HIRIT NG KONGRESISTA: BAR EXAMS DALHIN SA MINDANAO!
HINILING ni Cagayan de Oro 2nd district Rep. Rufus Rodriguez sa Korte Suprema na pag-aralan ang posibilidad na dalhin din sa rehiyon ng Mindanao ang Bar examinations.
Kasunod ito ng anunsiyo ng Korte Suprema na walang Bar examinations ngayong taon dulot ng Covid19 pandemic at sa halip ay itinakda ito sa November 2021.
Ayon kay Rodriguez, dahil matagal-tagal pa ang susunod na Bar examinations, may sapat na panahon ang Korte Suprema upang paghandaan ang pagsasagawa nito sa isang lungsod sa Mindanao.
Sa anunsiyo ng Korte Suprema noong Abril, kinokonsidera ang regionalized examination kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay pinag-isipan itong idaos sa Cebu City at Metro Manila.
Sinabi ni Rodriguez na sa ganitong sistema, mas makatitipid ang examinees dahil hindi na kinakailangang bumiyahe ang lahat sa Metro Manila.
“For aspiring lawyers in Mindanao, taking the exams in Cagayan de Oro City, Davao City, or General Santos City would mean lesser expenses compared to traveling and staying for at least a month for the pre-week bar review in Cebu City or in Manila,” paliwanag ng mambabatas.
Iginiit niya na kahit magkaroon ng bakuna laban sa Covid19 sa mga susunod na buwan, tiyak na mararamdaman pa rin ng taumbayan sa susunod na taon ang epekto ng pandemya dahil sa pagkawala ng trabaho at pagkakakitaan at mas mataas na gastusin.
“So definitely, having the exams in more accessible and affordable places would benefit not only law graduates but their families as well,” dagdag pa ni Rodriguez.