KabataanSaHalalan

MALILIIT NA NEGOSYANTE TUTUTUKAN NG LACSON-SOTTO TANDEM

TARGET ng Lacson-Sotto tandem na makabalangkas ng mga hakbangin na nakabatay sa batas upang mapaunlad ang sektor ng maliliit na negosyante sa Pilipinas.

/ 22 February 2022

TARGET ng Lacson-Sotto tandem na makabalangkas ng mga hakbangin na nakabatay sa batas upang mapaunlad ang sektor ng maliliit na negosyante sa Pilipinas.

Kabilang sa kinokonsidera ng dalawa ang pagtatayo ng mga paluwagan at bangko na tututok lamang sa maliliit na negosyante.

“Mas magandang meron tayong mga credit institution at saka magkakasama sila na partikular na mga sektor, mas maganda ‘yon kasi sila-sila magtutulungan. Kasi ‘di ba namulatan natin, ‘yung paluwagan, ‘yung isang maliit na community… Wala pang babayarang interes, ‘di ba?” pahayag ni Lacson.

Ang tinutukoy ni Lacson ay ang sistema ng impormal na pag-iimpok at pangungutang ng pera sa tinatawag na paluwagan.

Sinabi ng senador na mahalaga ito dahil bukod sa madali ang pagsali ay wala pa itong interes.

Gayunman, iginiit niyang kinakailangang maipaunawa sa mga tumatangkilik nito ang ilang mga isyu sa ganitong pamamaraan ng pamamahalang pinansiyal.

Idinagdag pa ng presidential bet na dapat ding tulungan ng pamahalaan ang mga bangko na nagpapautang sa mga negosyante upang mas lumakas ang ekonomiya ngayong bumabangon ang bansa mula sa pandemya.

Naniniwala si Lacson na mangyayari ito kung mawawala ang labis-labis na regulasyon ng pamahalaan na nagpapahirap sa MSMEs, magsasaka at mangingisda na humihingi ng tulong pinansiyal sa mga legal na institusyon.

“Kasi ang nangyayari sa atin, nag-i-intervene ang gobyerno, overregulation ang ginagawa sa halip na tumulong. Tulad ng mga magsasaka, ang reaction kaagad ng gobyerno pagka medyo humina ‘yung supply ng gulay o ‘yung ani, mag-i-import. E ‘di lalo mong pinatay ‘yung magsasaka,” giit ni Lacson.

Binigyang-diin ng presidential aspirant na sa ilalim ng kanilang plataporma, kasama ng kanilang mga senatorial bet katulad ni dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol, magkakaroon ng klarong pamamaraan para mapaunlad ang sektor ng MSMEs at agrikultura.

Kabilang na rito ang programa para mapalakas ang kapasidad ng MSMEs at pagbili ng pamahalaan sa 50 porsiyento ng ani ng mga magsasaka at pagtatatag ng model food outlet sa Metro Manila partikular sa Quezon City, ayon sa mungkahi ng dating kalihim.

Makatutulong ito para makabili ang mga mamimili ng sariwang gulay at karne na galing mismo sa ating mga magsasaka at mangingisda, at para masugpo ang smuggling at sobrang importasyon na nag-uugat sa korupsiyon.