MATAAS NA SUWELDO, BENEPISYO SA MGA GURO ISUSULONG NI HONTIVEROS
ITUTULAK ni Senadora Risa Hontiveros ang panukala para sa mas mataas na suweldo at benepisyo sa mga guro at non-teaching personnel na itinuturing na mga frontline worker.
ITUTULAK ni Senadora Risa Hontiveros ang panukala para sa mas mataas na suweldo at benepisyo sa mga guro at non-teaching personnel na itinuturing na mga frontline worker.
“Sentro ng ating education agenda ang pag-aalaga sa ating education workers at pagturing sa kanila bilang frontline workers,” pahayag ni Hontiveros.
“Naniniwala ako na ang pag-aalaga sa ating mga guro ay pag-aalaga sa buong education system. Kapag sila ay may healthy hanapbuhay, mas makapagtatrabaho at matututukan ang pagtuturo,” dagdag ng senadora.
Nangako rin si Hontiveros na isusulong ang mga batas na magpapaunlad sa kondisyon sa trabaho ng mga guro at school workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming insentibo at benepisyo.
“Itutuloy nating isulong ang sapat na sahod, benepisyo at allowances ng mga teaching and non-teaching personnel. Dapat mas i-improve pa ang digital infrastructure sa bansa para suportahan ang online at digital learning. Dapat ding bigyan ng libreng training ang mga guro sa distance learning education bilang bagong kasanayan at repasuhin ang mga curriculum ng paaralan,” paliwanag ng mambabatas.
Kabilang sa kanyang mga panukala ang minimum salaries para sa teachers at education workers, pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance at school supplies allowance, pag-aayos ng teacher to student ratio, security of tenure sa mga manggagawang pang-edukasyon, plantilla position para sa mga guidance counselor bilang kaugnay ng Mental Health Law, at iba pa.
“Malaking hamon ang leadership sa sektor ng edukasyon, na para bang in denial at business as usual ang pagtugon sa krisis ng edukasyon,” giit pa ng senadora.
“Kung nagde-demand tayo ng performance ng mga paaralan, ng mga guro at estudyante, dapat din tayong mag-demand ng proactive leadership mula sa Department of Education, Commission of Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority sa pagpapabuti ng ating education system,” dagdag pa niya.