SALAMAT SA LAHAT: ISANG LIHAM
Salamat sa lahat.
Ang tatlong salitang ito ang unang pumasok sa isip ko habang isinusulat ko ang liham na ito. At alam kong kulang pa ang mga katagang ito upang matumbasan ang lahat ng mga nagawa ninyo sa mga nagdaang buwan at taon.
Agosto 31 ang araw ng mga bayani, ngunit para sa mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN, ito ang huling araw ng kanilang paglilingkod para sa mga Pilipino. Ang desisyong ito’y alinsunod sa naging hatol ng Kongreso na hindi aprubahan ang franchise renewal ng nasabing kompanya.
Bilang isang batang lumaking kaharap ang telebisyon, masakit na makitang lumisan ang mga programang humubog sa akin, noon at ngayon. At sa totoo lang, nakakapanlumo dahil parang nawala ang kalahati ng aking pagkatao dahil sa pangyayaring ito.
Ngunit, habang ako’y tumatanda at patuloy na nagkakaroon ng kamalayan sa aking paligid, napagtanto kong hindi lang pala dapat ang mga programang ito ang alalahanin ko. Mas dapat kong bigyang-pugay ang lahat ng mga taong nasa likod ng pagbuo nito.
Mga taong nag-isip at nagsakripisyo upang bigyang-buhay ang mga alaalang sinamahan ako sa hirap at ginhawa. Sa lahat ng mga direktor, reporters, production assistants, make-up artists, cameramen, at iba pang naging parte ng produksyon nito, maraming salamat.
At ang pagpupuring ito ay hindi lamang para sa mga manggagawa ng ABS-CBN. Iniaalay ko rin ang aking pasasalamat sa lahat ng mga miyembro ng midya na na-retrench dahil sa kasalukuyang pandemya, at sa mga patuloy pa ring nagbibigay ng kanilang serbisyo alang-alang sa pagpapalawig ng kaalaman at kasiyahang para sa lahat. Kahit na ramdam ko ang hirap at pagod ninyo, tinutuloy niyo pa rin.
Kayo ang dahilan bakit naging masaya ang aking pagkabata, at mukhang hanggang sa pagtanda na rin. Dahil sa dedikasyon ninyo sa inyong trabaho, nabuo ang pagmamahal ko sa mundo ng midya. Pinangarap ko lamang na maging parte rito noon. Hanggang sa hindi ko na lang namalayan, nandito na ako ngayon, nag-aaral ng kursong pang-midya sa kolehiyo.
At ang lahat ng ito ay dahil sa inyo.
Maraming pangarap na ang nabuo at naisakatuparan, ng, at para sa midya ng ating bansa. At patuloy pa itong dadami. Ngunit kaakibat ng pagtupad nito ay mga hamon at pagsubok na tila halos dumurog na sa mga miyembro nito. Ngunit, hindi kayo tumigil.
Kaya’t pinagsisikapan kong makatapos ng pag-aaral, dahil katulad ninyo, nais ko ring bumuo at tumupad ng mga pangarap.
Ang pagsasara ng ABS-CBN at retrenchment ng mga manggagawa natin sa midya ngayong pandemya ay isa lamang sa mga dagok na haharapin natin. Ngunit, hindi ito ang katapusan. Ituring natin itong pahinga, dahil pagkatapos nito, babalik ulit tayong mas malakas.
Muli, salamat.
Salamat sa lahat.