BLENDED LEARNING MAKIKINABANG SA E-GOVERNANCE
HINIMOK ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang pamahalaan na iprayoridad ang paggamit ng e-governance platforms, hindi lamang upang mabawasan ang red tape at katiwalian, kundi para mapalakas din ang mga proseso ng gobyerno.
Kaugnay nito, maghahain si Go ng panukala para isulong ang e-governance at palakasin pa ang kapangyarihan ng Department of Information and Communications Technology.
Ipinaliwanag ni Go na malaking tulong ito upang mabawasan ang epekto ng pandemya sa ordinaryong mamamayan sa pamamagitan ng paggamit ng information and communications technology partikular na rin sa edukasyon ng kabataan.
“Our education system is also championing blended learning. It is important for the government as a whole to expedite its transition as well,” pahayag ni Go.
“May mga proseso sa gobyerno na puwedeng mas maisaayos gamit ang makabagong teknolohiya. Mas nakita po natin ito ngayon dahil sa Covid19 crisis kung saan karamihan ng ating pang-araw araw na transaksiyon ay kinailangang mag-evolve,’’ idinagdag pa ng senador.
Ani Go, kung paiiralin ang e-governance, mas magiging mabilis at epektibo ang mga serbisyong ibinibigay ng gobyerno sa sambayanan.
“Hindi lamang po malaki ang magiging papel ng e-governance na maka-adapt ang bansa sa pagdating ng ‘new normal,” mas mapabibilis din po nito ang mga proseso at transaksiyon sa gobyerno towards a ‘better normal’ when it comes to government service delivery,” dagdag ng senador.