SCHOLARSHIP FUND MULA SA AGRI COLLECTION HINDI NAKARATING SA CHED; DA UMANI NG BATIKOS
DISMAYADO sina Senadora Cynthia Villar at Imee Marcos sa kabiguan ng mga ahensiya ng gobyerno na maipatupad nang maayos ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund-Scholarship Program.
DISMAYADO sina Senadora Cynthia Villar at Imee Marcos sa kabiguan ng mga ahensiya ng gobyerno na maipatupad nang maayos ang Agricultural Competitiveness Enhancement Fund-Scholarship Program.
Layon ng programa na suportahan ang mga kuwalipikadong estudyante na nagnanais kumuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura.
Alinsunod sa batas, 10 porsiyento ng makokolekta sa ilalim ng ACEF ay mapupunta sa Commission on Higher Education para sa scholarship program, 10 porsiyento para sa mga research ng State Universities and Colleges at 80 porsiyento sa Land Bank of the Philippines para sa pagpapautang sa mga magsasaka.
Gayunman, sinabi ng dalawang mambabatas na simula nang ipatupad ang batas noong 2016 ay marami pang hindi nababayaran ang CHED na tuition sa ilalim ng scholarship program dahil hindi nakararating sa kanila ang pondo.
“Marami pang sumusulat sa akin na hindi pa nababayaran sa CHED ang kanilang scholarship,” pahayag ni Villar sa pinangunahan nitong pagdinig kaugnay sa programa.
“Nakalulungkot na hindi makuha ng mga bata ang diploma nila dahil hindi binayaran ng Department of Agriculture ang tuition nila sa CHED. Hindi lang ‘yung pinautang ang nawala pati tuition nila nawala,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Agriculture.
“We also received complaints mula sa mga scholar natin. Kulang na kulang ang agriculture graduates natin. Nakaharang ang pera. Ang liwa-liwanag (ng batas, bakit nagla-landing sa DA,” pahayag naman ni Marcos.
Sa pagdinig, iniulat ng Bureau of the Treasury na simula nang ipatupad ang batas noong 2016 ay umabot sa P4.9 bilyon ang koleksiyon ng Bureau of Customs na ipinasa naman sa Department of Budget and Management.
Gayunman, natuklasan ng mga senador na sa halip na sundin ang batas na mula sa DBM diretso sa CHED, mga SUC at sa Land Bank ang pondo ay dumadaan pa rin ito sa DA kung kaya natatagalan ang pagbaba ng budget.