PROGRAMA SA DISTANCE LEARNING PASOK SA PRAYORIDAD NG SENADO
SA PAGBABALIK-SESYON ng Kongreso, inilatag ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kanilang mga prayoridad sa 2nd regular session ng 18th Congress.
Hinikayat ni Sotto ang kanyang mga kasamahan na unahin sa prayoridad ang pagsusulong ng mga programa para sa distance learning sa gitna ng ipatutupad na ‘new normal’ sa edukasyon.
Binigyang-diin ni Sotto na kailangang balangkasin ang mga hakbangin para matiyak ang maayos na kinabukasan ng kabataan, partikular ng mga estudyante.
“As we stay isolated, we must not neglect a generation of young people who would otherwise be deprived of advancing in their studies. We must support programs that will help the education sector migrate to more plausible learning platforms,” pahayag ni Sotto.
Hinimok din ng senador ang iba pang mambabatas na suportahan ang pagsusulong ng sining.
“Priority should also be given in support of the arts. We must rebuild our nation in both body and soul. Great civilizations before us endured not only because they had material wealth, but because they lived a life nurtured by writers and artists,” madamdaming sabi ni Sotto.
Igiiniit pa ng lider ng Senado na sa panahon ng krisis ay higit na kailangan ang mga manunulat, mga makata at mga manlilikha na tutulong para maunawaan ang nangyayari sa mundo.
“At sa gayong pagninilay-nilay, mahanap natin ang kahulugan ng buhay at hindi mawalan ng pag-asa sa gitna ng mga nararanasang pasakit,” dagdag pa ng senador Sotto.
Kasama rin sa ipinaprayoridad ng Senate president ang pagsasaayos ng digital landscape para sa komunikasyon, gayundin ang pagbalangkas ng mga hakbangin para sa maaasahang public transport system at paghikayat sa mga mamumuhunan na magtayo ng dagdag na negosyo sa bansa sa pamamagitan ng pagpapagaan ng mga proseso.