Nation

‘BABY BOOM’ SA 2021: 751,000 DAGDAG NA UNPLANNED PREGNANCIES DAHIL SA PANDEMIC – SEN. HONTIVEROS

UPANG mapalakas pa ang kampanya ng gobyerno laban sa teenage pregnancy, inirekomenda ni Senadora Risa Hontiveros na gamitin na rin ang social media platforms para sa isinusulong na komprehensibong sex education sa mga estudyante at maging sa mga out of school youth.

/ 8 September 2020

UPANG mapalakas pa ang kampanya ng gobyerno laban sa teenage pregnancy, inirekomenda ni Senadora Risa Hontiveros na gamitin na rin ang social media platforms para sa isinusulong na komprehensibong sex education sa mga estudyante at maging sa mga out of school youth.

Ayon kay Hontiveros, mahalagang probisyon sa kanyang isinusulong na Senate Bill 1334 o ang proposed Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2020, ang pagsasagawa ng Comprehensive Sexuality Education.

Sa kanyang panukala na nasa period of interpellation na sa Senado, magiging bahagi ng school curriculum ang CSE na ang layunin ay maging normal na ang diskusyon ng mga usapin na may kinalaman sa adolescent sexuality at reproductive health.

Nakapaloob sa CSE ang human sexuality, epektibong paggamit ng contraceptive, disease prevention, gender equality at equity, sexual violence, at iba pang usapin na may kinamalan sa sexuality.

Sinabi ni Hontiveros na kailangang palawakin ang naabot ng CSE upang mas maimulat ang kabataan sa kahalagahan ng usapin at maiwasan ang maagang pagbubuntis.

“Napakahalagang ma-promote ang CSE sa social media. Dapat ma-utilize din natin ang digital spaces para ma-educate ang kabataan. Kailangan ng tamang info campaign na may gabay ng mga magulang, guro at local govt officials, para maintindihan at maiwasan ang teenage pregnancy. May CSE programs din sa mga magulang at guardians dahil dapat alam nating mga magulang paano masuportahan at maprotektahan ang mga anak natin. Dapat bukas ang komunikasyon nila para mailayo sa kapahamakan,” pagbibigay-diin pa ni Hontiveros.

“Dapat ma-enjoy ng kabataan ang kanilang pagiging bata tapos sa tamang panahon sila ay magtatag ng sariling pamilya,” dagdag pa ng mambatatas.

Ipinaalala ng senadora na itinuturing na rin ng National Economic Development Authority na national social emergency ang teenage pregnancy at dahil sa lockdown ay sinasabing magkakaroon ng baby boom sa 2021.

“Ang UP Population Institute ay nag-predict ng baby boom  sa 2021. Estimated 751,000 ang dagdag na unplanned pregnancies at bilang resulta sa kondisyon ngayong may pandemya,” dagdag pa ni Hontiveros.