Nation

INSENTIBO SA MGA BATANG ATLETA ISINUSULONG

/ 6 September 2020

NAIS ni Senadora Nancy Binay na matiyak ang suporta sa mga batang atleta sa pamamagitan ng pagbalangkas ng tamang programa at mga insentibo para sa kanila.

Sa kanyang Senate Bill 1340 o ang proposed Young Athletes Assistance Act, ipinaalala ni Binay na mandato ng estado na bigyang prayoridad ang edukasyon, siyensiya at teknolohiya, sining, kultura, at palakasan para sa promosyon ng patriotism at nationalism.

“The future of any national sports program lies in the development of their young athletes. The most successful countries in the Olympics were able to showcase outstanding performances in view of the fact that their gold winning athletes were trained, nurtured, and developed in their specific events at a young age,” pahayag ni Binay sa kanyag explanatory note.

Alinsunod sa panukala, babalangkas ng athletic program sa mga educational institution, sports club o sa local at national government.

Tatlong magkakahiwalay na pagpopondo rin ang babalangkasin at pamamahalaan ng Philippine Sports Commission.

Una, ang Get Started in Sports Fund kung saan maglalaan ng tig-P3,000 para sa mga batang atleta sa mga paaralan na gagamiting participation fees sa pagsali sa sports o recreation club.

Ikalawa, ang Get Going Fund o ang paglalaan ng P50,000 para sa mga proyekto ng local sports and recreation organizations.

At ikatlo, ang Get Playing Fund o ang paglalaan ng P500,000 upang tulungan ang mga local sports at recreation organization sa pagtayo ng mga facility development.

Nakasaad sa panukala ang paglalaan ng P80 milyong pondo mula sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation kada taon para ipatupad ang mga programa at insentibo.