MAYORYA NG MGA ESKUWELAHAN SA CALABARZON GAGAMIT NG MODULAR LEARNING
NASA 78 percent ng mga paaralan sa Calabarzon ang gagamit ng modular learning habang 12 percent naman ang gagamit ng online distance learning sa darating na pasukan sa Oktubre 5, ayon sa Department of Education.
Sinabi ni DepEd Calabarzon Regional Director Wilfredo Cabral na ang ibang mga eskuwelahan ay gagamit naman ng digitized distance learning at radio/TV based instruction.
Dagdag pa ni Cabral, umabot na sa 3,023,000 ang enrollees ngayong taon at inaasahang madaragdagan pa ito dahil marami pang mga eskuwelahan ang naghihintay ng late enrollees bago ang pasukan.
Samantala, hinimok ng DepEd ang mga out of school youth at adult na hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral pero nais mag-aral sa informal learning na mag-enroll sa Alternative Learning System.
Nilinaw rin ni Cabral na sa halip na blended learning na nangangailangan ng face-to-face interaction bilang pangunahing elemento nito, ginawa itong blended distance learning ng DepEd, kung saan binubuo ito ng modular distance learning, digitized learning, online learning, television at radio-based instruction.
“Hindi kailangan na bumili ng gadget at hindi dapat mangamba ‘yung mga walang gadget sapagkat marami po tayong modality na hindi mangangailangan nito,” sabi ni Cabral.
Dagdag pa ng opisyal, ang modalities na ito ay nakabatay sa learner enrollment and survey form na nakumpleto ng mga mag-aaral noong sila ay nagpatala.