Nation

WAIVER NG DEPED SA MGA GURONG DADALO SA F2F CLASSES INALMAHAN

/ 11 December 2021

KINUWESTIYON ng mga mambabatas ang Department of Education kaugnay sa waiver na pinalalagdaan umano nito sa mga guro na nakikiisa sa face-to-face classes na nagsasabing walang pananagutan ang ahensiya sa gitna ng banta ng Covid19.

Sa pagdinig ng House Committee on Education and Culture sa implementasyon ng face-to-face classes sa urban centers, nagpahayag ng pangamba si Marikina Rep. Stella Quimbo sa sinasabing waiver na kinakailangan muna umanong lagdadan ng mga guro sa knailang lungsod sa gitna ng face-to-face classes.

“Napag-alaman ko rin na lumabas ang waiver mula sa DepEd kahapon na indicating that walang liabilities whatsoever ang DepEd kung magkasakit ang ating teacher. So because of that, maraming teachers sa amin na medyo natatakot na pong mag-participate… for obvious reasons,” pahayag ni Quimbo.

Kaparehong impormasyon ang natanggap ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro mula naman sa mga paaralan sa Quezon City at hiniling sa DepEd na rebisahin ang polisiya.

Iginiit naman ni DepEd Usec. Tonisito Umali na hindi mula sa executive committee ng ahensiya ang polisiya sa waiver.

“Ako po mismo sa lebel ng execom, wala po kaming ganyang polisiya. Napag-alaman ko lang po. We could assure you that we don’t have that as a policy for DepEd. Pero may mga ilang rehiyon po lamang,” paliwanag ni Umali.

Nangako naman si Umali na agad nilang iimbestigahan ang impormasyon kasabay ng pagtiyak na idedeklara nilang hindi valid ang waiver kung mapatutunayan na may kapabayaan sa hanay ng DepEd.

“Titingnan po namin kung papano ba ito na-articulate, itong waiver na ito,” dagdag ni Umali.