Nation

BAKUNA MUNA BAGO F2F CLASSES SA 5-11 ANYOS — LAWMAKER

/ 8 December 2021

HINIMOK ni San Jose del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases na iprayoridad ang pagbabakuna sa mga batang may edad 5 hanggang 11 bago payagan ang face-to-face classes.

Binigyang-diin ni Robes na dapat na magkaparehong polisiya ang ipatupad sa mga estudyante sa college level at sa kinder at elementary schools.

“Kung ang mga nasa kolehiyo ay pinapagayan lamang nating pumasok ang mga mayroon nang full vaccination status, mas lalo sana nating proteksiyonan ang mga mas batang estudyante na hindi pa bakunado,” pahayag ni Robes.

“Ang mga may pilot run ng face-to-face classes ay mga bata na nasa 5 to 11 age group na hindi pa nabakunahan dahil wala pang bakuna na pinapayagan sa kanilang edad,” dagdag ng kongresista.

Iginiit ni Robes na batay sa ulat ng Food and Drug Administration, wala pang vaccine manufacturer ang nagsumite ng aplikasyon para sa Emergency Use sa 5 hanggang 11 anyos.

“Kaya ang aking panawagan sa ating FDA na kapag nag-submit ang mga vaccine manufacturer para sa edad 5 to 11  ay sana’y madaliin na ang pag-aaral lalo na ang mga vaccines na ginagamit na rin sa nasabing age group sa ibang bansa,” ani Robes.

“In the face of this Omicron variant, we owe it to our young children to give them a fighting chance before we allow them to go back to the confines of our educational institutions,” dagdag pa ng mambabatas.