PAGTATAYO NG NATIONAL COLLEGE FOR STEM SA TARLAC APRUB NA SA KAMARA
INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang pagtatayo ng National College for Science, Technology, Engineering and Mathematics sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sa botong 228-0, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 10461 na substitute bill para sa House Bill 8630.
Layon ng panukala na iniakda ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba na mabigyang prayoridad ang edukasyon, siyensiya at teknolohiya, sining, kultura at isports sa lalawigan upang mabuhay ang pagiging makabayan ng kabataan.
Sa ilalim ng panukala, kasama sa mga kursong iaalok sa national college ang mandatory courses para sa patriotism, civic responsibility at social awareness.
Ang itatayong national college ay pamamahalaan ng Commission on Higher Education, Department of Science and Technology at Technical Education and Skills Development Authority.
Nakapokus din ang STEM College sa pagbuo ng innovative at practical solutions sa real-life problems, pagtuklas ng mga bagong kaalaman hinggil sa kalikasan at kalusugan at pagpapalakas sa digital transformation sa pamamagitan ng research, education at training.