PAGPAPALAKAS SA MENTAL HEALTH SERVICES SA SUCs APRUB NA SA KAMARA
LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagpapalakas ng mental health services sa state universities and colleges.
Sa botong 201-0, inaprubahan sa third and final reading ang House Bill 10284 o ang proposed SUCs Mental Health Services Act.
Sinabi ni Bacolod Rep. Greg Gasataya na malaking tulong ang panukala sa mga kabataang nahaharap sa matinding pressure dahil sa epekto ng Covid19 pandemic.
Ipinaliwanag ni Gasataya na layunin ng panukala na masawata ang mga insidente ng self-harm at maisulong ang holistic development sa pamamagitan ng mental health care na tugma sa mental, developmental at emotional needs ng mga estudyante.
Sa ilalim ng panukala, mandato ng Commission on Higher Education na obligahin ang lahat ng SUCs na bumuo ng Mental Health Office sa lahat ng kanilang campus.
Ang mga MHO naman ang mamamahala sa campus hotlines na may dedicated at trained guidance counselors upangn tulungan ang buong SUC community, lalo na ang mga estudyante.
Babalangkas din ang MHO ng mga mekanismo para sa crisis intervention at suicide prevention para sa SUC community.