3,400 COLLEGE STUDENTS SA PARAÑAQUE NAKATANGGAP NA NG CASH AID
NATANGGAP na ng 3,400 college students sa Parañaque ang financial assistance mula sa lokal na pamahalaan nitong Martes, Nobyembre 16.
Nasa P7,000 hanggang P10,000 ang natanggap ng bawat scholar.
Sinabi ni City Public Information Office chief Mar Jimenez na ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng cash aid ay para matulungan ang mga estudyante sa kanilang mga gastusin sa pag-aaral.
Ang mga college scholar na may gradong 82 hanggang 84 ay makatatanggap ng P7,000 habang ang mga may 85 pataas ay P10,000.
Maaaring mag-aplay ng financial aid ang isang estudyante kahit pa nasa labas ng lungsod ang eskwelahan nito basta ito ay residente ng lungsod.
Ayon naman kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, na personal na sinaksihan ang distribusyon ng financial assistance, kanyang hinihimok ang mga estudyante na mag-aral nang mabuti upang mapanatili ang kanilang pagiging benepisyaryo ng programa.