Nation

PAGBABAKUNA SA MGA ESTUDYANTE TARGET NG PASIG LGU NA TAPUSIN NGAYONG BUWAN

/ 13 November 2021

TARGET ng lokal na pamahalaan ng Pasig na tapusin ngayong buwan ang pagbabakuna sa lahat ng mga mag-aaral sa lungsod.

“By this November, we will complete the vaccination of more or less all public and private school students between the ages of 12 and 17,” sabi ni Mayor Vico Sotto sa kanyang Facebook post.

Ayon sa alkalde nasa 55,000 public school students edad mula 12-17 ang target nilang bakunahan bago matapos ang taong ito.

Nasa 3,671 na, aniya, mula sa private schools ang nakapagparehistro para magpabakuna.

“Prioridad po natin ang mga estudyante ng mga paaralan sa loob ng Pasig (ito po ang may masterlist na),” ani Sotto.

“Pero puwede na ring  magparehistro ang mga iba pang bata na nakatira sa Pasig pero sa labas ng Pasig nag-aaral (i-update lang ang pasigpass account),” dagdag pa ng alkalde.

Sinimulan na noong Huwebes ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga mag-aaral mula private schools.

Tatlong vaccination sites — Pasig Sports Center, Tanghalang Pasigueño at Buting Elementary School— ang itinakda para sa pagbabakuna sa mga menor de edad sa lungsod.