Nation

F2F CLASSES SA LAHAT NG KURSO PINANGANGAMBAHANG MATAGALAN PA BAGO TULUYANG MAIPATUPAD

/ 7 November 2021

IKINAGALAK ng Kabataan Partylist Group ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalawig ng limited face-to-face classes sa lahat ng kurso sa kolehiyo sa Metro Manila makaraang ibaba na sa Alert Level 2 ang sitwasyon dito.

“Sa wakas. Ang expansion ng limited face-to-face classes sa lahat ng courses ay bahagi ng demands sa ating #LigtasNaBalikEskwela Roadmap,” pahayag ng grupo.

Gayunman, nangangamba ang Kabataan Partylist na matagalan pa bago ito tuluyang maipatupad dahil ang mga paaralan ang sasalo ng lahat ng gastusin para sa ligtas na pagbabalik-eskwela.

“Ang problema, matatagalan pa rin bago buksan ang mga kampus sa mas maraming estudyante dahil pinapasalo ng IATF,  NTF Covid at administrasyong Duterte sa mga paaralan ang responsibilidad at gastos for safe reopening,” paliwanag ng grupo.

Ito ay sa gitna ng nakaambang P14.7 bilyong kaltas sa budget ng state universities and colleges para sa taong 2022 at walang hiwalay na pondo sa susunod na taon para tulungan ang mga paaralan na ligtas na magbukas.

Binigyang-diin ng grupo na malaking tulong sana ang House Bill 10389 o ang Safe School Reopening Bill subalit hindi pa rin ito ganap na naisasabatas.

“Pinakakawawa rito ang mga paaralan sa low-risk areas kung saan matagal nang posible ang pagbubukas ng mga kampus. Primaryang kasalanan ng administrasyong Duterte —  hindi ng mga LGU at paaralan sa low-risk areas — kung bakit mababa ang vaccination rate sa maraming rehiyon sa bansa. Pero pinaparusahan sila ng administrasyong Duterte sa hindi pagpayag na makapagbukas ang mga paaralan hanggang hindi tumataas ang vaccination rate,” dagdag ng grupo.

Sa pagtaya ng grupo, P184 bilyon ang kailangan para maisakatuparan ang safe opening para sa lahat ng paaralan sa buong bansa.