KabataanSaHalalan

KA LEODY HANDANG IURONG ANG KANDIDATURA SA PAGKA-PANGULO PARA KAY LENI

HANDANG umatras si Leody de Guzman sa kanyang kandidatura sa pag-kapangulo kung pakikinggan siya ni Vice President Leni Robredo.

/ 4 November 2021

HANDANG umatras si Leody de Guzman sa kanyang kandidatura sa pag-kapangulo kung pakikinggan siya ni Vice President Leni Robredo.

Ayon kay De Guzman, uurong siya kung bibigyang pansin ni presidential aspirant Robredo ang kanyang plataporma.

“Mangyayari iyon kapag tinanggap niya ang plataporma ko. Kung hindi niya tatanggapin, ayaw niyang magsalita tungkol sa kontraktwalisasyon, ayaw niyang magsalita tungkol sa rice tarrification law, ayaw niyang magsalita tungkol doon sa VAT, value-added tax, ayaw niyang magsalita tungkol doon sa sistema ng eleksiyon natin na para sa mga bilyonaryo lang, ayaw niyang magsalita tungkol doon sa sektor ng serbisyo na napunta sa mga pribado ay gusto nating bawiin, hawakan ng gobyerno,” ayon kay De Guzman.

Anang labor leader, itutuloy niya ang kandidatura kung babalewalain lamang ni Robredo ang kanyang kahilingan.

“Kung wala siyang statement sa ganyan, baka tulad ng dati hindi na lang ako boboto sa presidente, pero itutuloy ko ang laban ko kung hindi lang din niya tatanggapin,” giit ng labor leader.

“Pero maganda sana eh, ako todo-todo na anti-Duterte, vocal ako anti-Duterte, siya hindi nagpagamit, hindi siya nagpagamit kay Duterte, pero ‘yung mga kalaban namin, lahat iyon ay ‘Dutertards’, nagbago lang, parang opposition lang, nitong malapit na ang eleksiyon. Kaming dalawa ni Leni ang may commonality na pagiging anti-Duterte, anti-Marcos,” dagdag pa niya.

Sinabi pa niya na mahalaga para sa kanya ang kapakanan ng mga manggagawa.

“Aatras ako, hindi naman ako politiko, eh. Ako naman ang mas concern ko ‘yung 109 million, ‘yung kabuhayan nila na sa mahabang panahon ay napabayaan, hindi pinapansin, ng nagpalit-palit na administrasyon,” ayon pa kay De Guzman.