Nation

KABATAAN HINIMOK NA KUMUHA NG KURSONG MAY KINALAMAN SA AGRIKULTURA

/ 2 November 2021

HINIKAYAT ni Senador Panfilo Lacson ang mga estudyante sa state universities and colleges na ikonsidera ang pagkuha ng mga kurso na may kinalaman sa agrikultura.

Ayon kay Lacson, makabubuting bigyang-pansin ng mga estudyante ang mga kurso na makapagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa halip na magpokus sa liberal arts.

“Lagi na lang mga liberal arts ‘yung focus ng ating mga kabataan. So, why don’t we just introduce a new concept wherein SUCs, especially those in the agricultural areas of the country, ay mag-focus na lang doon sa mga kursong may kinalaman sa agrikultura,” pahayag ni Lacson.

Ayon kay Lacson, sa Pilipinas lamang may pag-iisip na mahihirap ang mga magsasaka, at ito ang  kaisipan na dapat mabago lalo sa hanay ng mga kabataan ngayon.

“Dito lang sa Pilipinas, may kaisipan na kapag magsasaka ay mahirap. Pumunta ka sa Estados Unidos, punta ka sa Europe, ang mga magsasaka ang pinakamayayaman sa kanilang komunidad,” dagdag pa ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na kasama ang reporma sa education system sa kanilang economic agenda, partikular na ang pag-develop sa kaisipan ng mga kabataang may edad 15 pataas.

“We should change that mindset. You know, that’s really dangerous. Growth mindset stops at 15 years of age,” pahayag pa ni Lacson.

Ito ay base sa isang pag-aaral na tumutukoy na tanging 31 porsiyento ng mga kabataang Filipino na may edad 15 pataas ang may planong mapaunlad ang sarili sa pamamagitan ng edukasyon, habang ang 69 porsiyento ay walang balak makapagtapos ng pag-aaral.