Society

SENIOR CITIZENS, AWTOMATIKONG SAKOP NG PHILHEALTH

1 November 2021

Muling ipinagunita ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang lahat ng Filipino 60 taon gulang pataas ay ginawaran ng health insurance mula sa ahensiya alinsunod sa Republic Act 10645 at Universal Health Care Law.

Batay sa Section 5 ng RA 10645, ang taunang kontribusyon para sa senior citizens na hindi kabilang sa alinmang membership category ng PhilHealth ay babayaran ng Pamahalaan mula sa koleksiyon ng sin taxes. Nilinaw din ng ahensiya na dapat ay wala silang regular na pinagkakakitaan para mapabilang sa pribilehiyong ito ng batas.

Nanawagan naman si PhilHealth President and CEO Atty. Dante A. Gierran sa mga senior citizen na magparehistro na kung hindi pa, o kaya ay magpa-update ng kanilang record sa PhilHealth.

“Makipag-ugnay lamang sila sa kanilang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) na nakakasakop sa kanila, magsumite sila doon ng accomplished PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at ang OSCA na ang magrerehistro sa kanila,” ani Gierran. Maghihintay na lamang sila ng tawag kung dumating na ang kanilang Member Data Record mula sa PhilHealth dagdag pa ng hepe.

Maaari rin naming magparehistro ang isang senior citizen sa tanggapan ng PhilHealth na malapit sa kanila. Bukod sa pinunang PMRF, dapat ay dala rin nila ang kanilang Senior Citizen ID o anomang katunayan ng edad at latest 1×1 ID picture.

Ayon sa pinakahuling tala ng ahensiya, tinatayang 8.4 milyong Senior Citizen Members at 1.3 milyong Lifetime Members ang rehistrado, kasama ang pinagsamang bilang ng kanilang qualified dependents na aabot sa 3.3 milyon.

Mula naman Enero hanggang Hunyo 2021, nagbayad ang PhilHealth ng kabuuang P9.408 bilyong benepisyo para sa 988,000 claims ng mga nakatatandang miyembro sa buong bansa.

Ilan naman sa nangungunang kundisyon na binayaran ng PhilHealth ay community-acquired pneumonia, hypertension, cerebral infarction o stroke, urinary tract infection, at congestive heart failure.