MGA MAGULANG PINAAAYUDAHAN SA MGA GURO SA SISTEMA NG DISTANCE LEARNING
NANAWAGAN si Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles sa mga guro na ayudahan at turuan ang mga magulang sa kanilang papel para sa sistema sa distance learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Ipinaliwanag ni Nograles na dahil ang mga magulang ang tatayong guro ng mga estudyante sa bagong sistema, kinakailangan silang turuan ng mga tamang hakbangin sa paggabay sa kanilang mga anak.
Iginiit ng kongresista na hindi dapat mangapa ang mga magulang sa sistema upang matiyak na maibibigay pa rin sa mga estudyante ang tamang kalidad ng edukasyon.
Samantala, hinimok ni Nograles ang ibang magulang na samantalahin ang pagpapaliban ng pagbubukas ng klase upang mai-enroll ang kanilang mga anak at hindi matigil ang pag-aaral ng mga ito kahit nasa gitna ng pandemya ang bansa.
Sa panig naman ng mga guro, iginiit ng mambabatas na dapat silang suportahan ng Department of Education hindi lamang sa kanilang mga pangangailangang kagamitan kundi hanggang sa kanilang mental health.
“Our teachers also deal with various anxieties over the very uncertain circumstances that we are living under. Hindi lang mental health, kundi overall health ang dapat siguruhin natin para sa ating mga guro at iba pang education frontliners,” pahayag ng kongresista.
Kaugnay nito, suportado ng solon ang panawagan na ilipat sa health support sa mga guro ang P29 bilyong budget para sa rehabilitasyon ng mga eskuwelahan.
“As much as possible we should also exhaust all efforts to address the fears of our teachers and other frontliners, and in guaranteeing that they are fully equipped,” dagdag pa niya.