Nation

89 MINORS SA PASIG NABAKUNAHAN NA

/ 16 October 2021

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 na may comorbidities laban sa Covid19.

Ayon kay Pasig City General Hospital administrator Dr. Arlene Samonte, naging maayos naman ang vaccination rollout kung saan wala sa mga nabakunahan ang nakaranas ng anumang seryosong side effects sa bakuna.

Nasa 89 kabataan mula sa lungsod ang naturukan na ng first dose ng Pfizer Covid19 vaccine.

“Very smooth naman. I ask the parents if they have addtional inquiries or questions regarding the vaccine, so far wala naman. So I think ang aming information at educational materials ay working naman,” sabi ni Dr. Samonte.

Sinabi rin ni Dr. Samonte na naka-monitor sila at nakahanda sakaling may ilan sa mga vaccinee ang makaranas ng adverse effects sa bakuna.

“We’re ready naman if ever may mga untoward incidents,” ani Dr. Samonte.

Sinabi rin ni Dr. Samonte na hindi muna sila tatanggap ng walk-in dahil tanging nakarehistro lamang at mga naging pasyente nila ang puwedeng bakunahan sa ngayon.

Kapag natapos nang mabakunahan ang mga menor de edad na may comorbidities na may record mula sa mga pampublikong ospital, susunod naman na babakunahan ang mga may record sa private hospitals.