Nation

SCHOOL-BASED FEEDING PROGRAM TULOY PA RIN — DEPED

/ 31 August 2020

SINABI ng Department of Education na nagkaroon ng adjustment sa pagpapatupad ng school-based feeding program para sa school year 2020-2021.

Para sa taong ito, naglaan ang Kagawaran ng mahigit P6.4-million para sa naturang programa kung saan 1,775,349 mga batang undernourished ang makikinabang dito.

“Pati ang feeding program ay nagkaroon ng adjustment, ibig sabihin, we have to customize. Kasama ‘yan kung papaano  natin ginawa ‘yung learning delivery pati ‘yung feeding program ay magkakaroon din ng customized implementation,” sabi ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla sa lingguhang virtual press briefing.

Ayon kay Sevilla, naglabas na ng guidelines ang Kagawaran kung paano ipatutupad ang naturang programa.

“Kung dati nagluluto ang mga teacher, mga magulang tapos ‘yung mga bata habang nasa eskuwelahan, ngayon ito ay ide-deliver sa mga bahay depende sa public health situation ng ating mga eskuwelahan. So, kung ano po ‘yung compliance sa minimum health standard ‘yun ang gagawin natin,” paliwanag ni Sevilla.

“Nagkaroon na ng memorandum of agreement kung papaano ito maide-deliver at saka i-implement, so wala pong modelo kung papaano gagawin ito, pareho po ito ng learning continuity plan na nagkakaroon ng mga consultation sa mga magulang, sa mga local government unit at kung papaano magpapatuloy,” dagdag pa ng opisyal.

Inihalimbawa ni Sevilla ang isang paaralan sa lalawigan ng Pangasinan kung saan namamahagi ito ng gatas at tinapay sa mga bata kahit hindi pa nagsisimula ang pasukan.

“Ang isa pang challenge ngayon ay ‘yung pag-monitor sa kanila kasi sila nga ay nasa mga bahay nila, so dagdag ito sa mga administrative function na nakasalalay ngayon sa DepEd,” sabi pa ni Sevilla.

Sa ilalim ng school-based feeding program, ang mga undernourished na bata mula Kindergarten  hanggang Grade 6 ay binibigyan ng deworming tablets, pinakakain ng fortified meal at binibigyan ng vitamins sa loob ng 120 araw sa school year.