Nation

MGA ISKUL NA ‘DI KASAMA SA PILOT RUN NG F2F CLASSES PINAGHAHANDA NA RIN

/ 15 October 2021

IMINUNGKAHI ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairperson Sherwin Gatchalian na maghanda na rin para sa face-to-face classes ang mga paaralan na hindi kasama sa pilot implementation nito.

Sinabi ni Gatchalian na mas mabuting anumang oras ay nakahanda ang mga paaralan upang kapag sila ay nabigyan na ng ‘go signal’ para sa physical classes ay agad silang makapagsisimula.

“Ang aming mungkahi sa Depatrment of Education at sa Department of Health ay ihanda na ang mga eskwelahan dahil itong sitwasyon natin ay bumubuti,” pahayag ni Gatchalian.

Inihalimbawa ng senador ang Metro Manila na bumababa na ang reproduction rate ng Covid19 na nangangahulugan na bumubuti na ang sitwasyon.

“So, dumadating na ang punto na ang mga eskwelahan ay puwede nang pumasok. So, ihanda na natin itong mga eskwelahang ito, ihanda na natin ang kanilang paghahanda para kapag umayos na ang sitwasyon ay puwede na silang magbukas ng klase,” dagdag ng senador.

“Ang nangyari kasi ngayon nagiging antayan. Kapag bumuti ang sitwasyon saka lang naghahanda kaya na-delay tayo. Almost kung titingnan natin from the time na nagdesisyon si Pangulo, and from the time na magbubukas almost more than two months,” sabi pa ng senador.

Tinukoy ni Gatchalian ang pagbibigay ng ‘go signal’ ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Setyembre subalit ang pagsisimula ng pilot run ng face-to-face classes sa 59 na paaralan ay sa Nobyembre 15 pa itinakda.

“Matagal na itong pinag-uusapan, naubos natin halos dalawang buwan na oras sa paghahanda. Ang aming mungkahi ay maghanda na ngayon dahil bumubuti ang sitwasyon at talagang ang gusto natin ay kung bumuti na ang sitwasyon sa buong bansa ay bumalik na sa face-to-face classes kaagad,”dagdag pa niya.