Nation

SCHOOL BUILDINGS NA ITATAYO NG NTF-ELCAC MAWAWALAN NG SAYSAY?

/ 11 October 2021

NANGANGAMBA si Senadora Nancy Binay na maging ‘white elephant’ o puro gusali lang at walang laman ang mga school building na itatayo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa ilalim ng kanilang programa sa mga barangay na idineklarang insurgency-free na.

Ito ay nang aminin ng Department of Education na hindi sila pamilyar sa implementasyon ng programa ng NTF-ELCAC.

Sa tala, nasa P16.4 bilyon ang inilaan ng anti-insurgency task force para sa Barangay Development Program kung saan P569 milyon ang para sa school buildings.

Sinabi ni Education Undersecretary Alain Pascua na sa 822 barangay na idineklarang insurgency-free, 789 na ang napagtayuan ng mga paaralan na umaabot sa 1,731.

Idinagdag ni Pascua na pinayuhan nila ang NTF-ELCAC na itigil ang konstruksiyon ng mga paaralan sa mga barnagay na mayroon nang umiiral na education facilities.

Iginiit ni Binay na kung hindi malinaw ang koordinasyon ng NTF-ELCAC at DepEd, posibleng mawalan ng saysay ang pagtatayo ng mga paaralan sa 789 villages, lalo na kung hindi mapopondohan ng education department ang mga personnel at school materials para sa operasyon ng paaralan.

“I’m surprised na nagbigay pala ‘yung DepEd na hindi kailangan sa ibang barangays na part ng NTF-ELCAC barangay development. Ang concern ko kasi kayo magpo-provide  ng teachers ng eskwelahan. So kung ‘di ninyo alam kung saan itinayo, I mean how would you give complement teaching staff sa barangay na yun,” pahayag ni Binay.

“We don’t want na maging white elephant ang eskwelahan kasi ‘di ninyo kayang mag-provide ng teaching personnel,” dagdag pa ng senadora.

Iginiit ni Binay na dapat na ilipat na lamang sa DepEd ang pondo ng NTF-ELCAC para sa school construction upang mas epektibong maipatupad.

Binigyang-diin ng senadora na masyadong mababa ang pondong inilaan sa Last Mile Schools Program na umaabot lamang sa P1.5 bilyon na kahalintulad sa layunin ng programa ng NTF-ELCAC.