KabataanSaHalalan

‘BATO’ STANDARD BEARER NG PDP-LABAN

HUMABOL sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy si Senador Ronald 'Bato' dela Rosa na sasabak sa presidential election sa susunod na taon sa ilalim ng PDP-Laban.

/ 9 October 2021

HUMABOL sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sasabak sa presidential election sa susunod na taon sa ilalim ng PDP-Laban.

Ayon kay PDP-Laban Party Secretary General Melvin Matibag, si Dela Rosa ang magiging running mate ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na una nang naghain ng kandidatura sa pagka-bise presidente.

Limang senatoriables ng PDP-Laban ang humabol din sa paghahain ng kandidatura.

Personal pang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, dating senador at ngayo’y Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan, SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica at actor Robin Padilla.

Mayor Sara ‘di pa rin nahikayat na kumandidato sa pagka-pangulo

Nanindigan si Davao City Mayor Sara Duterte na ituloy ang kanyang reelection bid sa May 2022 elections sa gitna ng patuloy na panawagan ng kanyang mga tagasuporta na tumakbo siya sa pagka-pangulo.

Sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy, dumagsa ang mga tagasuporta ni Mayor Sara sa labas ng Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City para hikayatin itong kumandidato sa pinakamataas na posisyon.

Gayunman,  sa pinakahuling pahayag, sinabi ni Sara na tuloy ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde sa Davao City para sa kanyang ikatlong termino.

“I am presenting myself to the Dabawenyos as mayor for the third and last time in my life as a politician. I call on everyone to work together for an honest, orderly, and credible elections in May 2022,” pahayag ni Mayor Sara.

“I have been honored with the gift of trust and respect of many of our fellow Filipinos. A gift that is one in a million. Thank you to everyone who have expressed their support,” dagdag pa niya.