EVASCO ITINANGHAL NA KWF MANANAYSAY NG TAON
NAKOPO ni Dr. Eugene Evasco, bantog na propesor, manunulat, manunula, at mananaliksik, ang unang gantimpala at ang titulong ‘Mananaysay ng Taon 2020’ mula sa timpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa noong Agosto 28.
May pamagat na “Mga Talinghaga ng Pagkalinga, Mga Retorika ng Pandemya: Kapangyarihan ng mga Infographics at Tungkulin ng Pagsasalin sa Paglupigng COVID-19”, ang naturang sanaysay ay umikot sa kahalagahan ng pagsasalin at ng paggamit ng Wikang Filipino sa paglaban sa pandemya lalo ngayong pulos Ingles ang midyum ng mayorya ng mga pantas sa agham, medisina, at teknolohiya.
Ipinakikita ni Evasco na intelektuwal din ang Filipino, gaya ng anumang wika sa mundo, at mayroon itong malaking gampanin sa pakikipag-usap at paghahatid ng mga mahahalagang balita sa mga mamamayang Filipino saanmang dako ng Filipinas, partikular sa mga komunidad na hindi naaabot ng internet at hindi nagagagap nang husto ang wikang Ingles.
Bukod sa titulo ay naiuwi rin ni Evasco ang medalya, plake, at P30,000.
Samantala, si Christian Jil R. Benitez, ang may-akda ng “Tungo sa Dalumat ng Pulo: Isang Pag-iisangNakikiisa” ang nagwagi ng ikalawang gantimpala. Si Precioso M. Dahe, Jr., tampok ang sanaysay niyang “Sakuban ni Bonifacio: Ang Tala ng Simbolistikong Paggalugad sa Basaysay ng Kasaysayan at Kalinangang Filipino” ang ikatlong gantimpala.
Taunang isinasagawa ng KWF ang Sanaysay ng Taon. Layunin nitong himukin ang mga natatanging manunulat na ilahok ang mga akda nila na nagpapakita ng kahalagahan at tungkulin ng wika sa paghubog ng kasaysayan ng Filipinas at kulturang Filipino.