ONLINE CLASSROOM ITINAYO SA TUKTOK NG BUNDOK SA ALBAY
ISANG online classroom ang itinayo ng ilang estudyante sa tuktok ng bundok sa Camalig, Albay.
Nakatuwang nila sa pagtatayo ng online classroom ang kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Marvin Nupia, Education student ng Brgy. Tagoytoy, layon nito na matulungan ang mga estudyante sa kanilang barangay.
Sinabi ni Nupia na sa tuktok lamang ng bundok may malakas na signal.
Dagdag ni Nupia, naisipan nilang itayo ang nasabing silid-aralan dahil nahihirapan silang mag- aral kapag umuulan o masyadong mainit.
“Mahirap talaga mag-aral dahil sa online class at hirap sa signal. Pero mahirap din kasi tumigil sa pag-aaral. Kaya kung puwedeng magawan ng paraan ang hirap sa pag-aaral dahil sa epekto ng pandemya, gagawa at gagawa ng paraan. Kailangan lang magsumikap, magsakripisyo at positive thinking lang po,” sabi pa ni Nupia.
Ayon kay Nupia, hindi sila gumastos sa construction materials dahil kinuha lang sa gubat ang mga kawayan at ibang kahoy habang ang mga pako ay hiningi lang sa mga kapitbahay.
Patuloy naman na umaasa si Nupia na matapos na ang pandemya dahil malaki na ang epekto nito sa mga estudyante.