Nation

END CHILD MARRIAGE BILL LUSOT NA SA KONGRESO

/ 29 September 2021

INAPRUBAHAN na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report hinggil sa panukala na nagbabawal sa child marriage sa bansa.

Niratipikahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral report sa disagreeing provisions ng House Bill 9943 at Senate Bill 1371 na naglalayong ipagbawal ang child marriage.

Sa Senado, iprinisinta ni Senadora Risa Hontiveros ang bicameral report at ipinaliwanag na sa consolidated version ng mga panukala, nagkasundo ang komite na magpatupad ng mga parusa sa pamamahala at pangunguna sa solemnization ng child marriage at pagsasama ng isang adult at isang bata nang hindi kasal.

Aminado si Hontiveros na hindi madali ang pinagdaanan ng panukala lalo na’t kailangang tugunan ang ilang usaping kultural at relihiyon subalit bunsod ng mga negativong epekto sa kabataan ng child marriage, iginiit nito na dapat nang umaksiyon ang Kongeso.

Batay sa panukala, inilarawan ang child marriage bilang formal marriage sa pagitan ng mga may edad 18- anyos pababa at maging sa pagitan ng isang adult at ng isang bata na itinuturing na forced marriage dahil ang isa o parehong partido ay hindi pa nakapagdedesisyon nang malaya at maayos.

Alinsunod sa panukala, ang sinumang mag-aayos ng child marriage ay papatawan ng parusang prision mayor o pagkabilanggo na mula anim hanggang 12 taon at multang hindi hihigit sa P40,000.

Kung ang sangkot ay magulang, adoptive parent, step-parent, o guardian ng bata, ang penalty ay prision mayor, multang hindi lalagpas sa P50,000 at perpetual loss ng parental authority.

Parurusahan din ang sinumang mamumuo sa child marriage ng prision mayor at multang hanggang P50,000 at posible ring ma-disqualify sa anumang tanggapan kung ito ay public officer.

Ang adult partner naman na nakikisama sa bata nang hindi kasal ay mahaharap sa prision mayor at multang hindi lalagpas sa P50,000 at perpetual disqualification sa appointive o elective office.