SOLON SA DEPED: BASIC SUBJECTS IPRAYORIDAD SA PAGTUTURO SA TV, RADYO
IMINUNGKAHI ni House Committee on Basic Education, Culture and Arts at Pasig City Rep. Roman Romulo sa Department of Education na pumili lamang ng mga asignaturang ituturo sa mga estudyante sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.
Ipinaliwanag ni Romulo na limitado lamang ang oras na maaaring gamitin sa radyo at telebisyon para sa distance learning kaya dapat ay mahahalagang aralin lamang ang ituro.
Inihalimbawa nito na sa mga Kinder hanggang Grade 3, mahalagang agad nilang matutunan ang pagbabasa, maintindihan ang kanilang binabasa at magkaroon ng kaalaman sa Basic Mathematics.
Naniniwala si Romulo na isa sa pinakaepektibong paraan ng pagtuturo sa gitna ng Covid19 pandemic ang telebisyon at radyo dahil sa mga lalawigan ay nasa 90% ng populasyon ang naaabot ng mga local o national station.
Ayon kay Romulo, ang kailangan lamang ay magkaroon ng maliwanag na plano ang DepEd hinggil dito at mahalagang magamit nang maayos ang limitadong airtime sa broadcast learning.
Sinang-ayunan naman ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pahayag ni Romulo na dapat ay basic subjects ang iprayoridad sa pagtuturo sa TV at radyo.
Gayunman, iginiit ni Castro na dapat na isama sa prayoridad ang Values Education at ang mga leksiyon sa pangangalaga sa kalikasan.