SOLON SA DEPED: NASAAN NA ANG OT PAY NG MGA GURO?
MULING kinalampag ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Departmnet of Education hinggil sa hindi pa rin nailalabas na guidelines o polisiya para sa overtime pay ng mga guro.
“Nasaan na ang overtime pay ng mga guro?” tanong ni Castro, at binigyang-diin na nasa 87 araw ang kailangang bayarang overtime ng mga guro mula June 1 hanggang October 5 noong isang taon.
Sinabi ni Castro na mahigit dalawang buwan na magmula nang magkaroon ng diyalogo ang DepEd, Civil Service Commission at mga miyembro ng ACT kung saan nangako ang ahensiya na ilalabas na ang guidelines sa OT pay.
“They said they already had a draft and that it was for finalization and they would release it by the end of July. It is already September, less than a week until the start of the next pandemic school year, where are the guidelines for our teachers’ overtime pay?” diin ni Castro.
Sinabi ni Castro na kinumpirma ng CSC na hindi pa rin natatapos ng DepEd at ng Departmnet of Budget and Management ang pagbalangkas ng mga patakaran.
“Anong petsa na? Kailan na matatanggap ng mga guro natin ang overtime pay na karapat-dapat lamang na ibigay sa kanila? dagdag pa ng kongresista.
Muling ipinaalala ni Castro na pagod na ang mga guro at wala pa ring natatanggap na sapat na kompensasyon, gayundin ng mga gadget at iba pang learning materials para sa blended distance learning.
“Napaka-insensitive ng kawalan ng sense of urgency ng DepEd sa mga benepisyong karapat-dapat lamang na ibigay sa mga guro. Patuloy ang kanilang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan sa paghihirap na dinaranas ng libo-libong guro na kanilang inaabandona sa palpak na blended distance learning,” aniya.
“Dehado na nga ang mga kabataan dahil sa learning loss na kanilang nararanasan habang lalong tumatagal na walang face-to-face classes, lugi pa ang mga guro dahil hindi ibinibigay ang benepisyong karapat-dapat ay kanila.”