Campus

MGA ESTUDYANTE NG PLM NANAWAGAN PARA SA LIGTAS NA BALIK-ESKWELA

/ 8 September 2021

ILANG estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ang nanawagan para sa ligtas na balik-eskwela at maka-masang edukasyon.

Humiling din sila ng karagdagang budget para sa edukasyon, solusyong medikal, academic ease, dagdag-sahod sa mga guro at ipaglaban ang demokratikong karapatan.

“Sawa at pagod na ang masang kabataan sa kriminal na kapabayaan ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa pandemya na nagiging malaki ang epekto sa sektor ng edukasyon,” pahayag ng One PLM.

“Sa mahigit isang taon nang militaristang lockdown, yakap-yakap na nito ang panukalang ‘flexible learning’ na isang anti-maralitang sistema ng edukasyon. Hindi nito pinatatamasa ang karapatan para sa isang ligtas, dekalidad, at maka-masang edukasyon,” dagdag ng grupo.

Hinikayat din ng grupo ang mga estudyante na makiisa sa kampanya para sa #PamantasangLigtasMakamasa para matiyak ang ligtas na pagbabalik sa eskwelahan at  tugunan ang mga suliranin ng mga estudyante, magulang at kaguruan.

“Tayo’y humanay at tumindig at sama-samang panagutin ang kasalukuyang administrasyon sa kanyang kriminal na kapabayaan sa sektor ng kalusugan at edukasyon,” dagdag pa nito.