INTEL FUNDS NG OFFICE OF THE PRESIDENT ILAAN SA EDUKASYON —SOLONS
TULAD noong nakaraang taon, muling nanawagan sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago sa Kongreso na ilaan sa edukasyon at iba pang serbisyo ang tinawag nilang ‘pork barrel’ mula sa Confidential and Intelligence Funds ng Office of the President.
Ginawa ng dalawang kongresista ang panawagan sa gitna ng kanilang pag-alma sa agarang pagpapasa ng House Committee on Appropriations sa proposed 2022 budget ng OP.
“Kinokondena ng Kabataan Partylist ang tahasang pagsasagasang mapasa ang laman ng budget ng Presidente nang ‘di nabubutbot ng mamamayan,” pahayag ni Elago.
Sa ilalim ng 2022 budget proposal, P4.5 bilyon ang ilalaan sa Confidential and Intelligence Funds na ayon sa mga kongresista ay nakatago sa mata ng publiko.
“Sa gitna ng umaalingasaw ng mga alegasyon ng korupsiyon mula sa mga ulat ng Commission on Audit na sinita halos lahat ng ahensiya ng gobyerno sa mga anomalya noong 2020, higit kailanman kailangang magpaliwanag at humarap sa publiko ang mga ahensiya lalo ang Opisina ng Presidente para sa pondo na hinihingi nila. Kung walang itinatago, bakit umaalpas sa hearing ng Kongreso?” pagbibigay-diin ni Elago.
Sinabi naman ni Castro na dismayado ang hanay ng mga guro sa pagratsada o ang hindi pagpapahintulot na mabusisi ang budget ng OP.
“Kalahati ng intelligence funds ng BUONG gobyerno ang nasa Office of the President at his discretion. Aanhin niya ito? Bakit hindi na lang ilagay ito doon sa health, sa Department of Education, doon sa DOLE, sa DA? Para matulungan naman natin iyong mga basic sectors natin doon sa pandemya,” ani Castro.