Nation

PAGBABAWAL SA CHILD MARRIAGE APRUB NA SA KAMARA

/ 2 September 2021

LUSOT na sa 2nd reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagbabawal sa child marriage sa bansa.

Inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 9943 o ang An Act Prohibiting The Practice Of Child Marriage And Imposing Penalties For Violations Thereof.

Pangunahing layunin ng panukala na palawakin ang kaalaman ng publiko sa negatibong epekto ng child marriage.

Inilarawan sa panukala ang child marriage bilang formal marriage sa pagitan ng mga batang nasa edad 18 pababa o maging sa pagitan ng isang adult at ng isang bata na maituturing ring forced marriage.

Nakasaad din sa panukala na ang pagsasagawa ng child marriage, solemnization ng child marriage, at ang pagsasama ng isang adult at bata nang hindi kasal ay labag sa batas o ipinagbabawal.

Batay sa panukala, ang sinumang nagsulong ng child marriage ay mahaharap sa parusang prision mayor o hanggang anim na taong pagkabilanggo o multang aabot sa P40,000.

Kung ang perpetrator ay magulang o adoptive parent, step parent, o guardian ng bata, ang penalty ay prision mayor o multang aabot sa P50,000 at aalisan ng parental authority.

Papatawan din ng parusang prision mayor at multang aabot sa P50,000 ang sinumang magsasagawa ng child marriage bukod pa sa perpetual disqualification mula sa kanyang tanggapan kung isa itong public officer.

Batay rin sa panukala, ang adult partner na nakikisama sa isang bata nang hindi kasal ay mahaharap sa prision mayor at multang P50,000.