P27.6-M SEF FUND INIHANDA NG TAGUM CITY PARA SA LEARNING CONTINUITY PLAN
SA KABILA ng banta ng pandemya at pag-aangkop sa “new normal” ng mga kabataan sa pag-aaral, bumuhos ang maraming tulong at suporta ng Tagum City para sa nalalapit na pasukan.
Nagbigay ng tulong pinansyal at mga materyal ang lokal na pamahalaan ng Tagum City bilang suporta sa programa ng Brigada Eskwela para sa paghahanda sa bagong paraan ng pagtuturo sa susunod na buwan.
Tumanggap ang DepEd Tagum City ng kanilang taunang suporta sa Brigada Eskwela sa kanilang ibinigay na supplies na nagkakahalaga ng P500,000 at mga electrical supplies sa halagang P1.6 million para sa 38 na mga paaralan ng lungsod.
Ang Tagum City ay kinilala bilang isa sa mga nangungunang LGUs na nagre-align ng Special Education Fund sa halagang P27.6 milyon upang suportahan ang Learning Continuity Plan ng DepEd-Tagum.
Kaugnay naman ng distance learning o home study na gamit ang modyul ay inilunsad din ng pamahalaang lokal ang kanilang ‘Tagumpay Tabang Eskwela’ program na naglalayong makapangalap ng mga bond papers, printers, USB at wifi modem na kamakailan lamang ay iniabot sa DepEd nitong nakaraang Hulyo 20 kasabay ng anunsyong aprobadong pagbili sa duplicating machine para sa reproduksyon ng mga modyul.
Gayon din, binigyang-pansin ng LGU ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga paaralan sa pamamagitan ng pinalakas na ‘wash in schools’ program at pagbuo ng mga foot-operated hand washing facility with dryer sa halagang P5.9 million.
Parehong nag-alok ng libreng pag-ere sa radyo at telebisyon ang provincial government of Davao del Norte at Tagum City para sa mas pinalawak pang paghahanda sa bagong paraan ng pagtuturo. Sa patuloy na pagpapaunlad sa sektor ng edukasyon, ipinagmamalaki ng Division at LGU Tagum ang itatayong dalawang ektaryang Senior High School (Grades 11 at 12) stand-alone sa barangay Madaum sa halagang P18 million.
Sa kabuuan, mas binigyang diin ng Tagum City at DepEd ang patuloy na pagpapatatag ng relasyon ng bawat isa sa pakikiisa sa bawat purok, barangay at mamamayan ng lungsod para sa iisang layunin na ipagpatuloy ang edukasyon lalo pa’t blended na ang paraan ng pagtuturo ngayon.
“The support of LGU is outpouring, they know exactly what DepEd needs now that we bank into modular learning delivery,” ang malugod na pasasalamat ni Schools Division Superintendent Dr. Josephine Fadul sa lokal na pamahalaan ng lungsod.