READING PANTRY INILATAG SA KIDAPAWAN CITY
UPANG mabusog ang kaalaman at kasanayan, binuhusan ng reading materials ng mga guro sa Kidapawan City ang mga mag-aaral sa lungsod.
Partikular na nakinabang ang mga mag-aaral sa Felipe Suerte Memorial Elementary School sa Kidapawan City.
Upang maengganyo, iniharap sa mga beginner at slow reader ang mahuhusay na mag-aaral.
Ayon kay Teacher Maria Estrellita Bolasa, kahit bakasyon ay tuloy-tuloy ang kanilang sinimulan na FSMES Reading Pantry na hango sa naging popular na community pantry sa social media.
Sa ilalim ng Summer Reading program, tinuturuan nila ang 12 beginners at slow readers ng kanilang paaralan at mga kalapit na eskuwelahan para mas maging mahusay pang bumasa.
“Ang Reading Pantry ay ang paglalatag ng mga contextualized reading materials na gawa ng mga kasamahang guro ko sa FSMES at dadalhin ito sa isang purok. At ang mga bata ay malayang kukuha ng mga babasahin ayon sa kanilang kakayahan,” aniya.
Sa tulong ng mga Master Teacher na sina Vilma Vios, Rhodora Hipolito, at Gloria Calanao, humingi siya ng pahintulot sa kanilang punong-guro, barangay, at mga magulang ng bata para sa programa.
Sinisiguro rin niya na nasusunod ang lahat ng health protocols upang maging ligtas ang lahat.
Nagkakaroon din ng mga munting patimpalak sa pagbaybay upang maipaintindi nang maigi ang babasahin at katanungan para mahasa ang critical thinking ng mga bata.
Masayang ibinahagi ni Teacher Maria na malaki ang nagawa ng Reading Pantry sa kanilang mga estudyante dahil bukod sa natuto silang magbasa ay nagkaroon din ng social interaction na nagresulta sa pagtaas ng kanilang mga grado noong 4th grading.