Nation

SARILING TUITION POLICY NG PRIVATE SCHOOLS DAPAT RESPETUHIN — SENADOR

/ 22 August 2021

KINATIGAN ni Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian ang mga pribadong paaralan sa pagpapatupad ng sarili nilang patakaran kaugnay sa paniningil ng matrikula.

Sa isang panayam sa telebisyon, tinanong si Gatchalian kung may nilalabag ang mga pribadong paaralan sa pagpapatupad ng polisiya na hindi papayagang maka-graduate ang isang estudyante kung hindi kumpleto ang bayad sa matrikula.

Ipinaliwanag ng senador na matagal na itong isyu at napatunayan na walang nilalabag na anumang batas ang mga paaralan.

“Wala hong nilalabag silang batas. Ang isyu na ito ay talagang matagal nang isyu. Pero itong mga pribadong eskwelahan meron silang mga patakaran at in fairness sa mga private school, bago mag-enrol ang bata ipinaaalam nila sa mga magulang kung ano ang patakaran nila,” paliwanag ni Gatchalian.

“At isa sa patakaran nila magbayad ng tuition fee, kung hindi paano sila mag-ooperate kung walang tuition fee, wala silang pagkukunan ng pondo, magsasara at magsasara po ang mga private school,” pagbibigay-diin ng senador.

Nagbabala ang mambabatas na kung magsasara  ang mga pribadong paaralan ay mas maraming bata ang maaapektuhan kaya importante na ang patakaran ng private schools ay respetuhin at sundin.