ANTIPOLO POLICE NAKIISA SA ‘BRIGADA ESKWELA’
PINASALAMATAN ni Antipolo Mayor Andrea Ynares ang mga kapulisan sa lungsod sa aktibong pakikiisa ng mga ito sa brigada ng mga paaralan.
“Kudos sa ating mga kapulisan na nakita nating nagpipintura ng gate ng Juan Sumulong Elementary School,” sabi ni Ynares sa kanyang Facebook post.
“Salamat po sa inyong pakikiisa sa Brigada Eskwela 2021,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon kay Ynares, kahit abala ang kapulisan sa pagsugpo ng krimen ay naisisingit pa rin nila sa kanilang oras ang pagtulong sa taunang brigada.
Bagama’t hindi pa rin pinapayagan ang face-to-face classes dahil sa banta ng Covid19 ay patuloy pa rin ang bayanihan para sa paaralan sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Kamakailan lang ay hinikayat ni Education Secretary Leonor Briones ang lahat ng stakeholder na mag-innovate at sama-samang kumilos sa mga brigada sa iba’t ibang paaralan sa bansa para sa paghahanda sa darating na pasukan.
Ang National Brigada Eskwela ngayong taon na may slogan na “Bayanihan para sa Paaralan,” ay nagsimula nitong Agosto 3 at magtatapos sa Setyembre 30.