Nation

ALAM NA THIS! BLENDED LEARNING PALPAK DAHIL SA ANOMALYA SA PONDO NG DEPED — SOLON

/ 20 August 2021

NANINIWALA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang mga anomalya sa paggamit ng pondo ng Department of Education ang dahilan kung kaya palpak ang blended learning.

Tinukoy ni Castro ang mga napuna ng Commission on Audit sa paggamit ng DepEd sa kanilang pondo mula sa Bayanihan 1 at 2 na umaabot sa mahigit P3.22 bilyon.

Sinabi ng kongresista na kasama sa sinasabing anomalya ang hindi kumpleto at delayed na procurement at delivery ng  Self-Learning Modules sa 78 Schools Division Office sa 16 regional offices.

“Kalat nationwide ang kapalpakan ng DepEd sa SLMs,” pagbibigay-diin ni Castro.

Idinagdag pa ng lady solon na nasita rin ng COA ang hindi kumpletong mga dokumento ng DepEd sa paggastos ng pondo para sa Learning Continuity Plan.

Bukod sa Bayanihan fund, sinabi ni Castro na kuwestiyonable rin, batay sa report ng COA, ang unliquidated cash advances ng DepEd na umaabot na sa halos P697.520 million.

Nakapagtataka rin, aniya, na 16 porsiyento pa lang ng 7,555 Information and Communications Technology packages na may P2.37 bilyong pondo ang nagastos.

“Kapalpakan ng DepEd officials mula Central office ay nagbubunga ng  paghihirap ng mga guro at estudyante on the ground, delayed hanggang no education at all sa panahon ng pandemya, at learning crisis.”