DAGDAG-PONDO AT SUPORTA HILING NG BICOL EDUCATION AGENCIES
INILATAG ng education agencies sa Bicol Region ang kanilang mga panukala para sa mas epektibong pag-aaral ng mga estudyante ngayong School Year 2021-2022.
Sa pagdinig ng House Special Committee on Bicol Recovery and Economic Development, inisa-isa ng mga opisyal ng Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority sa Bicol Region ang kanilang pangangailangan, hindi lamang sa gitna ng Covid19 pandemic kundi maging sa kanilang pagbangon sa pinsalang idinulot ng Super Typhoon Rolly noong Nobyembre.
Ayon kay Committee Chairperson at Camarines Sur Rep. Jocelyn Fortuno, mahalagang malaman ng mga kongresista ang sitwasyon sa rehiyon upang maisulong ang kanilang kapakanan sa budget deliberations.
Sa briefing, sinabi ni DepEd Regional Director Gilbert Sadsad na kailangan nila ng P9.972 bilyon para sa pagkukumpuni ng kanilang mga nasirang klasrum.
Ipinanukala rin ni Sadsad ang pagbuo ng mga programa para sa mental health at psychological first aid sa mga estudyante at guro; konstruksiyon ng typhoon at flood-proof classrooms; community radio sa lahat ng paaralan na may kumpletong kagamitan; pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa low risk areas; at budgetary allocation sa learners’ support aides.
Sa panig naman ng CHED, sinabi ni Regional Director Ma. Pamela Vinas na nakatutok sila sa pagpapatupad ng flexible learning at limitadong face-to-face classes.
Iginiit din ni Vinas ang pangangailangan na palakasin ang internet connectivity sa Bicol Region, partikular sa remote barangays, at dagdag na scholarships.
Sinabi naman ni TESDA Regional Director Elmer Talavera na ang kanilang ahensiya ay nagpapatupad ng blended learning sa 92 assessments centers sa Region 5.
Kabilang sa mga problemang kanilang kinakaharap ay ang delayed na pagpapalabas ng training support funds at book allowance, gayundin ang delayed at hindi nailalabas na toolkits matapos ang training.