Nation

PAG-EMPLEYO SA MGA GURONG RETIRADO, NAWALAN NG TRABAHO PINAPLANTSA NG DEPED

/ 27 August 2020

BINUBUO na ng Kagawaran ng Edukasyon ang guidelines sa panukalang pag-empleyo sa mga piling guro bilang tutors o para-teachers sa paparating na akademikong taon, ayon kay Sec. Leonor Briones.

Sa isang press conference, sinabi ni Briones na prayoridad ang mga retiradong guro at yaong mga nasa pribadong paaralan subalit nawalan ng trabaho dahil sa Covid19 crisis.

‘Hitting two birds in one stone’ ang ubod ng proyekto kapag nagkataon. Magkakaroon na ng hanapbuhay ang mga guro ay mas magagabayan pa ang mga mag-aaral na maabot ang mga kahingian sa bawat sabjek kahit walang face-to-face classes.

Nakikinita ni Briones na magkakaroon ng mga para-teacher sa bawat barangay. Sila ang itatalaga sa mga mag-aaral sa lugar na kanilang nasasakupan nang sa gayo’y hindi na kailangang bumiyahe’t nang maiwasan ang transmisyon ng virus.

Tungkol sa pasahod at lohistika, sinabi niya na pangunahing sanggunian ng pondo ay ang Special Education Fund ng mga lokal na pamahalaan sa buong Filipinas.

Bilang dagdag ay siniguro na rin umano ng Department of Budget and Management na makapaglalaan ng sapat na rekurso para rito.

Sisilipin din kung puwedeng i-realign ang Maintenance and Other Operating Expenses ng bawat pampublikong paaralan sapagkat ang serbisyo naman ng mga para-teacher ay maikakabit dito.