PASUKAN SA UP TULOY SA SETYEMBRE 10, 2020
TULOY na magbubukas ng bagong akademikong taon ang Sistemang Unibersidad ng Pilipinas na magsisimula sa darating na Setyembre 10 matapos mapagdesisyonan ng Lupon ng mga Rehente noong 30 Hulyo.
Dahil ipinagbabawal ng pamahalaan ang face-to-face classes, “remote learning” din ang uutilisahin ng UP sa 2020-2021.
Ayon kay UP Student Regent Isaac Punzalan, bagaman mariin niyang tinutulan ang resolusyon sapagkat maraming mga iskolar ng bayan ang mayroong suliraning ekonomikal, partikular sa internet akses, ay nanaig pa rin ang mayoryang boto na magbukas ang mga klase sa UP. “We maintain that the insistence of the university to shift to remote learning can lead to thousands of students not being able to keep up or afford this mode of learning,” diin niya.
Inihayag din ng Faculty at Staff Regent ang kanilang mga hinaing tungkol sa remote learning, lalo pa’t labis na maaapektuhan ang mga guro at maninindang nasa loob ng pamantasan.
Inaasahan namang maglalabas ng komprehensibong plano ang administrasyon sa mga susunod na araw upang magbigay linaw sa mga nakabinbing isyu ng iba’t ibang sektor na sakop ng UP.
Samantala, hindi pa rin dinidinig ng lupon ang resolusyon ng General Assembly of Student Councils na bigyang-awtorisasyon si Punzalan na manatiling rehente dahil sa Covid19. Ilalapit pa umano ito ni UP President Danilo Concepcion sa mga legal na tagapayo bago himayin bilang agenda.