Nation

DRIVER’S EDUCATION IPINASASAMA SA SENIOR HIGH CURRICULUM

/ 5 August 2020

DAHIL nangungunang dahilan ng kamatayan sa bansa ang road at vehicular-related accidents, isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na isama sa Senior High School curriculum ang comprehensive driver’s education.

Sa House Bill 7092 o ang proposed Driver’s Education Act of 2020, iginiit ni Manila Teachers party-list Rep. Virgilio Lacson na dapat maituro sa kabataan ang kahalagahan ng responsible driving, pagsunod sa traffic regulations at road safety standards para sa mga pasahero, commuter at pedestrian.

Ipinaliwanag ni Lacson na batay sa datos ng pamahalaan, kabilang sa mga dahilan ng aksidente sa kalsada ay ang human error at kapabayaan, kabilang na rito ang over speeding, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, drunk driving, overtaking at maling pagliko.

Sinabi ni Lacson na maaaring maiwasan ang mga aksidente kung may tamang edukasyon.

Alinsunod sa panukala, saklaw ng programa ang mga Senior High School student na may edad 17 pataas mula sa pribado at pampublikong paaralan.

Pamamahalaan ang mga klase ng professional driving instructor na kuwalipikado at accredited ng Technical Education and Skills Development Authority at may balidong professional driver’s license na inisyu ng Land Transportation Office.

Nakasaad pa sa panukala na bubuo ang Department of Education ng course standards kasama na ang kaalaman sa operation and maintenance ng mga sasakyan, komprehensibong pag-aaral sa road traffici rules and regulations, introduction sa road transportation laws, psychology of driving, machine troubleshooting skills at comparative analysis at course study sa international traffic and road safety policies, regulations at standards.

Tatagal ang Driver’s Education Program ng 30 oras ng classroom instruction.

Ang mga student driver na papasa sa course examination ay tatanggap ng certificate of completion sa pagtatapos ng kurso.

Bahagi ito ng paghahanda sa estudyante para sa national driver’s licensure exam para sa professional qualification, kabilang na ang academic at practical tests. Nakasaad din sa panukala na ang pondong kinakailangan sa Driver’s Education ay magmumula sa General Appropriations Act.

Magtutulungan naman ang Department of Education, Department of Transportation at Department of Trade and Industry sa pagbalangkas ng implementing rules and regulations nito.