Nation

SENADOR SA GOBYERNO: MGA BAGONG NURSE, DOKTOR I-HIRE NA

/ 24 July 2021

HINILING ni Senador Joel Villanueva sa gobyerno na i-hire na ang mga bagong nurse na pumasa sa katatapos na board exams.

Ito ay bilang bahagi ng paghahanda ng gobyerno sa tumataas na kaso ng Delta variant ng Covid19.

“Kailangan na ng reinforcements ang ating mga frontline. We’ve spent 16 months fighting this pandemic, and the unseen enemy has been mutating into more dangerous strains,” pahayag ni Villanueva.

“Mukhang wala tayong timeout sa pandemyang ito, kaya dapat lamang na patuloy tayo maging alerto para hindi na sumunod sa nangyari sa mga bansang tinamaan ng Delta variant tulad ng India at Indonesia,” dagdag ng senador

Ipinaliwanag ni Villanueva na ang 5,008 na pumasa sa nurse licensure examination na ipinagkaloob ngayong Hulyo ay solusyon sa kakapusan ng mga tauhan sa mga pampublikong pagamutan at iba pang health facilities.

Idinagdag ng senador na maaari ring kumuha ng dagdag na staff sa 1,234 doctors na pumasa sa licensure tests noong Mayo.

“Siguruhin po natin na kung sino man ang nagnanais maglingkod sa gobyerno bilang public health frontliners, ibigay po natin sa kanila ang nararapat sa kanilang mga sakripisyo,” paalala naman ng chairman ng Senate labor committee.

Sa datos, hanggang noong December 2020, nasa 30,396 ang nurse sa public hospitals at 24,969 sa primary health care facilities tulad ng Rural Health Units.

“This comes up to about 5 nurses per 10,000,” sabi pa ni Villanueva.