Nation

HILING NA GADGET NG ESTUDYANTE NG MINDANAO STATE U TINUGUNAN NG SENADOR

/ 26 August 2020

TINUGUNAN ni Senador Bong Go ang hiling ng isang estudyante ng Mindanao State University na magkaroon ng gamit para sa online learning.

Sa recorded video message, sinabi ni Go sa estudyanteng  si Van Jason Arellano, isang incoming  freshman ng Mindanao State University sa Naawan, Misamis Oriental, na may ipinadala na siyang  tablet na inaasahan niyang makatutulong sa kanyang pag-aaral.

Sinabi ni Go na batid niyang isang matalinong  mag-aaral si Arellano kaya hindi siya nagdalawang -isip na tugunan ang  kahilingan nitong gadget.

Sa sulat ni Arellano kina Go at Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong  pang-apat siya sa limang magkakapatid kung saan nasa kolehiyo na rin ang mga nakatatanda niyang kapatid habang  nasa high school ang nakababata.

Subalit  dahil isang construction worker lamang ang kanilang  ama ay hindi nila kakayaning bumili ng bagong  gadget para magamit sa kanyang pag-aaral.

Una nang nag-viral sa social media ang  post ni Arellano na #PisoParasaLaptop kung  saan siya humihingi ng  piso-piso lang  na donasyon para maipon niyang pambili ng laptop or gadget sa pag-aaral.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Go na nagpapasalamat siyang sa gitna ng Covid19 pandemic ay marami pa ring kabataan ang nagsisikap  para sa kanilang kinabukasan.

Idinagdag pa ng senador na nauunawaan nila ni Pangulong  Duterte  ang hirap ng buhay na isa sa mga dahilan kaya isinulong nila na maipagpaliban ang pagsisimula ng klase  upang mabigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga magulang, estudyante at maging  ang mga eskuwelahan na makapaghanda para sa online blended learning.