PHYSICAL GRADUATION RITES SA LA SALLE BACOLOD TULOY SA SETYEMBRE
NAGSIMULA nang magsarbey ang University of St. La Salle Bacolod sa mga mag-aaral na nagnanais dumalo sa inihahanda nilang graduation rites sa Setyembre.
Sa Facebook post ng USLS Office of the University Registrar, hinihikayat ang mga mag-aaral na nagtapos noong Unang Semestre, Ikalawang Semestre, at Midyear 2019 na maagang kumpirmahin ang kanilang slot sa Setyembre 22 dahil batay sa pinakahuling ulat ay nais ituloy ng administrasyon anc tradisyonal na pagmartsa.
Ang sinumang dadalo ay dapat ding magpakita sa praktis sa Setyembre 18 sapagkat ang sinumang liliban ay kakanselahan ng reserbasyon.
Patuloy naman ang paalala ng unibersidad sa mga pangkalusugang protokol ng lungsod ng Bacolod. Tanging ang mga mag-aaral na nagtapos lang maaaring pumasok sa lugar. Hindi papapasukin ang mga walang face mask at face shield. Mahigpit ding ipatutupad ang social distancing.
Matatandaang kinansela ang physical graduation rites sa buong Filipinas dahil sa Covid19. Sa ngayon, gaya ng iba pang mga pamantasan, ay online, modular, blended learning din ang mga modang pampagtuturong inuutilisa ng USLS.