Nation

PALASYO ATUBILI SA PAGDEDEKLARA NG EDUCATION CRISIS

/ 13 July 2021

ATUBILI ang Malakanyang sa panawagan ni Vice President Leni Robredo na magdeklara ng education crisis sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy na blended learning system.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nasa kamay na ni Education Secretary Leonor Briones kung magdedeklara ng krisis.

“Hindi ko po alam kung kinakailangan ng deklarasyon ng crisis. Pero ang malinaw po, iyong sinasabi ng World Bank na tila poor tayo sa ilang mga subjects ay mali ‘no. At sila po ay humingi na po ng patawad, at tinanggap naman po ang apology ng DepEd,” paliwanag ni Roque.

Kasabay nito, muling nanindigan ang Malakanyang na mananatili ang blended learning habang patuloy pa ang pagbabakuna kontra Covid19.

Sa pinakahuling pahayag ni Roque, naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa face-to-face classes kasunod na rin ng pagsulpot ng iba pang variant ng virus.

“Talagang mahirap po ang buhay natin dahil pandemya pa, habang hindi tayo nakaka-face-to-face. At mukhang tama naman po ang desisyon ng Presidente na habang hindi pa tumataas ang hanay ng mga bakunadong mga kababayan natin ay blended learning po muna tayo,” pagbibigay-diin ni Roque.