PAG-AALIS SA BOARD EXAMS INALMAHAN NG MGA NARS
Pinalagan ng Philippine Nurses Association ang suhestiyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na tanggalin na ang board examinations.
Ayon kay PNA president Melbert Reyes, bababa ang kalidad ng mga health professional kung aalisin ito.
“Meron po tayong tinatawag na Asian Qualification Framework… Bababa ang quality ng level ng graduates natin. Baka mas marami pang hingin sa kanila kung wala po tayong board exam,” wika ni Reyes.
Nauna rito ay sinabi ni Bello na dapat nang tanggalin ang board exams dahil sapat na ang apat na taong pag-aaral ng mga ito.
Dagdag ng grupo, nirerespeto nila ang opinyon ni Bello subalit mariin nilang tinutuligsa ito.
“We respect his opinion. But we disagreed immediately kasi sa health professional po, kailangan nating i-ensure ang public na our graduates are competent enough to do their duties and responsibilities,” pahayag ni Reyes.
“Hindi po siguro dapat tanggalin itong board exam lalo na dito sa mga health professional, kasi buhay po ang hinahawakan natin,” dagdag niya.