Campus

KLASE SA PHILIPPINE SCIENCE HS SIMULA NA SA SETYEMBRE 1

/ 23 August 2020

MAGSISIMULA na sa Setyembre 1, 2020 ang klase sa Philippine Science High School, ayon sa Department of Science and Technology.

“Sa PSHS, ang school year ay magsisimula sa September 1, ahead ito sa October 5 ng DepEd [Department of Education],” sabi ni DOST Secretary Fortunato dela Peña sa DOST Report noong Biyernes ng hapon.

Sinabi ng kalihim na magkakaroon ng parents orientation sa Lunes, Agosto 24, bilang paghahanda para sa edukasyon sa bagong normal.

Ayon kay Dela Peña, gumawa rin ang ahensiya ng new learning management system na magsisilbing one-stop shop para sa mga akademikong pangangailangan ng mga guro at mag-aaral.

“Tinatawag itong PISAY Knowledge Hub o KHUB. It helps teachers by sharing materials faster, assess requirements quicker and summarize grade sheets automatically,” sabi ni Dela  Peña.

Sinabi naman ni Francis Joseph Serina, Information Officer 2 ng PSHS Office of the Executive Director at isa sa mga lumikha ng online platform na ito, na tulad ng tradisyunal na klasrum, dito nakikipag-usap ang mga estudyante at mga guro, kung saan puwedeng ilagay ng mga guro ang kanilang mga tala at pagsusulit para makuha at masagutan ng mga mag-aaral.

Nilalayon, aniya,  nito na mapagaan ang araw-araw na gawain ng mga guro at mag-aaral.

Dagdag pa niya, limitado lamang sa mga empleyado ng PSHS at mga mag-aaral ang nakakapasok dito.

“Ang KHUB na po ang magiging pinupuntahan ng mga estudyante para sa kanilang mga akademikong pangangailangan,” wika ni Serina.

Ang PSHS o PISAY ay isang research-oriented at specialized public high school system sa bansa na nagpapatakbo bilang attached agency ng DOST. Ito ay may 16 na campuses sa buong bansa.

Ayon kay Serina, bawat campus ay may sariling KHUB habang ang Office of the Executive Director ay may sarili ring KHUB para sa mga emplryado nito.

Sa Campus KHUB humaharap ang mga guro sa estudyante, nandito ‘yung mga subject na may kanya-kanyang sariling rooms o courses at ang mga estudyante lamang ang naka-enroll sa subject na ito.

Mayroon ding features ang KHUB na badges na nagbibigay ng reward sa mga estudyante, halimbawa, kapag nagawa nang tama ang mga excercise ay saka pa lamang mag-a-unlock ang next activity o lesson.

“Sa pamamagitan nito mapapabilis ang assessment pati ang kasiguruhan na na-master niya ang mga skills para sa subject,” paliwanag ni Serina.

“Ang mga guro ay mag-a-upload ng kani-kanilang mga materyales tulad ng mga tala sa panayam, mga pagsusulit at iba pa. Samantala ang mga estudyante ang magdo-download upang matuto at masubukan ang mga pagsasanay,” dagdag pa niya.

Dahil ang KHUB ay fully online, iminungkahi rin ng PSHS sa mga mag-aaral na i-download ang mga student learning guide para makapag-aral pa rin sila kahit walang internet o offline.