Letters of Youth

HANGGANG DITO NA LANG BA?

/ 21 August 2020

Madaling araw pa lamang ng umalis ako sa aming tahanan upang simulan ang panibagong  araw  na sa akin ay nag-aabang. Tilaok ng manok at malamig na simoy ng hangin ang siyang sumalubong sa akin. Malakas na kalabaw ang siyang aking akay-akay katulong ko sa aking paghahanap-buhay.

Kahit na pagod na at pawisan dahil sa matinding sikat ng araw na mainit at nakakasunog ng balat pag-aararo’y di pa rin titigilan. Sapagkat paghahanda sa lupa’y kailangan para sa darating na taniman. Ang tanong sa aking isipan, hanggang dito nalang ba? Pagod at pawis ay diko alintana. Init at ulan ay binalewala. Upang aking pamilya ay maiahon sa kahirapan at mabigyan ng maginhawang buhay na aking pinapangarap nung ako’y musmos pa.

Tagaktak ang pawis ng mga kasamahan, tuloy-tuloy at walang pakundangan ang pagbuhos nito sa aming mga katawan. Nakayuko sa maghapon, upang pagpupunla ay maging mahusay upang mapakain ang sambayanan. Ngunit sa halip na kami ay pasalamatan, kami ay dinudusta’t kinahiya ng sangkatauhan at tinuturing na salot sa lipunan.

Pangaral ko sa aking mga anak ay huwag magtitira ng kanin sa plato sapagkat mahirap ang magsaka. Kung kaya’t sa bawat pagsubo dapat namnamin ang bawat butil na nasa plato dahil hindi lang ito basta butil ng bigas. Ito ay isang biyaya, handog ito ng marangal na kamay. Ito ay buhay.

Namulat ako sa  buhay na ito. Minamata ng maraming tao, dukhang isinilang sa mundo. Pilit inaahon ang sarili sa mapang-abusong mundo. Bagaman parehong nakalubog ang aking mga paa sa marahas na lipunan, sadyang mas maputik parin ang nilulubugan, nilalakaran. Putik na natutubigan ng pawis, ng luha, ng dugo para  sa aniha’y may ilalagay sa sako.

Tunay ngang  hindi biro ang pagsasaka – ang yumuko sa maghapon, ang magbanat ng buto, ang umasa sa ulan kahit walang kasiguraduhan, habang wala nang masalok na salapi dahil naipambayad na ang kita sa mga utang, sa ospital noong nagkasakit ang isang kapamilya at sa pag papaaral sa mga anak upang mabigyan ng magandang kinabukasan; ang maging tagatanim ng mga kapitalista; ang kinakaya-kayanan lang ng mga nasa tuktok dahil sa kakayahan nilang kontrolin ang presyo ng mga produktong agrikultural; ang maging salamin ng kasipagan, ngunit sa huli ay salamin pa rin ng kahirapan.

Kung masaklap na ang aming kinasadlakan, mas masakit isipin na hanggang dito na lamang ang aming buhay. Hindi ito ang buhay na aming pinangarap noong kami’y pitong taong gulang pa lamang.

Pilit kaming humihingi ng tulong sa kinauukulan, upang mabigyan ng hustisya ang aming kahirapan. Ngunit kami ay binabalewala lamang. Unti-unting kinalimutan, binaon sa lupa ang hinaing naming magsasaka. Mabubungkal sa lupa ang katotohanang kung sino pa ang nagtanim sila pa ang naghihirap. Mahirap lang kami, ngunit hindi kami tamad. Sadyang mapanghusagang mundo lang ang aming kalaban.

Sa edad na pitong taong gulang ng ako’y nag-umpisang mangarap, hanggang sa kasalukuyan ako’y patuloy pa ring nangangarap na makaahon na ako sa hirap. Hindi ko hahayaan na hanggang dito nalang ang buhay ko, balang araw hindi na putik ang inaapakan ko kundi marmol na sahig ng bahay na ipapatayo ko.

Maraming salamat sa pangungutya at pagmamaliit ng karamihan dahil dito ako nakakuha ng lakas para patuloy na lumaban upang sa takdang panaho’y sa inyo ay may mapatunayan.